HINDI na mandatory ang pagsusuot ng face shields sa loob ng lahat ng public transportation sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 1, 2, at 3, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Ito ay makaraang aprubahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na mandatory ang pagsusuot ng face shields sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 5; bibigyan ng kapangyarihan ang local government units (LGUs) at mga pribadong establisimiyento na ipag-utos ang paggamit ng face shields; at ang paggamit ng face shields ay boluntaryo na lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 3, 2, at 1
Sinabi ni DOTr representative to the IATF-EID at Undersecretary for Administrative Services Artemio Tuazon Jr. na agad ipatutupad ng DOTr ang protocols sa paggamit ng face shields.
“In line with the directive issued by the IATF, which was also approved by the Palace, wearing of face shields in areas, where Alerts Level 1, 2 and 3 are in place, is no longer mandatory. It will be voluntary,” ani Tuazon.
Magugunitang inatasan ang lahat ng mga pasahero ng anumang uri ng public transportation na magsuot ng face shields, bukod sa face masks, simula August 15, 2020.
Bagaman hindi na inoobliga ang pagsusuot ng face shields, sinabi ng DOTr na mananatili pa rin ang mahigpit na preventive measures upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa lahat ng public transport facilities tulad ng pagsusuot ng face mask, istriktong pagpapatupad ng social distancing measure, at madalas na pagsa- sanitize.
Ipinagbabawal pa rin ang pagsasalita at pagkain sa loob ng lahat ng public transportation.