NAABOT din ng tatlong senior citizens ang kanilang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral makaraang mapasama ang mga ito sa 1,285 estudyante na grumadweyt sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) sa Taguig City nitong nakaraang Setyembre 10.
Ang tatlong seniors ay kinilalang sina Erlinda Dejumo, 63-anyos na nagtapos sa high school; 73-anyos na si Luvisminda Fajardo na nagtapos ng pag-aaral sa elementarya at ang 82-anyos na si Mwusews Anthony Mari Diaz ay nagtapos naman ng kanyang pag-aaral sa junior high school.
Ang tatlong nabanggit na senior citizens ay bahagi lamang ng 1,285 na grumadweyt na estudyante sa ilalim ng ALS program na ginanap sa Taguig City University auditorium.
Ayon sa Department of Education (DepEd), ang ALS ay isang sistema ng pag-aaral sa bansa na makapagbibigay ng pagkakataon sa mga out-of-school youth and adult (OSYA) learners na magkaroon ng functional literacy skills, at makukuha ng pagkakataon upang makumpleto ang kanilang edukasyon.
“Anuman ang iyong edad, posible pa ring makatapos ng pag-aaral,” ani Diaz na kinilalang pinakamatandang nakapagtapos sa ALS.
Si Taguig City Mayor Lani Cayetano ang panauhing pandangal sa graduation ng ALS passers.
Kaugnay nito, pormal namang inilunsad ng lokal na pamahalaan ang ALS Senior High School program sa Taguig Integrated School (TIS) na magbibigay din ng oportunidad sa ibang residente ng lungsod na maipagpatuloy ang pag-aaral at makamit ang mataas na lebel ng kanilang edukasyon.
Sa ilalim ng kasalukuyang ipinapatupad na programa ng ALS sa lungsod, ang mga estudyante ay sasailalim sa modular education at assessment sa halip na pumasok sa eskwelahan para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. MARIVIC FERNANDEZ