NASA 656 pamilya mula sa Maynila ang binigyan ng pagkakataon na makapagsimula ng negosyo upang paunlarin ang kanilang negosyo, sakaling mayroon man.
Personal na pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna katulong sina Vice Mayor Yul Servo at Manila department of social welfare chief Re Fugoso ang distribusyon ng financial support sa 656 pamilya sa ilalim ng Capital Assistance Program (CAP) ng pamahalaang lungsod sa San Andres Complex, Malate, Manila na nagkakahalaga ng kabuuang P3.2 milyon.
Nabatid na ang mga mapapalad na nabenepisyuhan ng P5,000 kada pamilya ay mula Districts 1 hanggang 6 at Baseco na nauna nang humingi ng tulong sa pamahalaang lungsod ng Maynila para magkaroon ng puhunan para sa kanilang sisimulang negosyo o pandagdag puhunan.
“Alam n’yo po, simula nung ako ay konsehal, isa sa mga laging lumalapit ay mga humihingi ng paunang puhunan.
Marami kaming natatanggap na sulat at kadalasan, hindi mapagbigyan lahat dahil hindi naman ganun kalaki ang pondo ng isang lingkod-bayan,” anang lady mayor.
“Kaya ginawan naming ng paraan sa pamamagitan ng capital assistance program na nasa ilalim ng mga program ng Manila department of social welfare. Ito po ay ginagawa isa hanggang dalawang beses sa isang taon,” dagdag pa nito.
Ang nasabing ayudang pinansyal ay gagamitin bilang panimulang puhunan sa kung anumang negosyo o kabuhayan at hindi ito para gamitin bilang pambayad ng renta, pambili ng gamit o kung anupaman.
Ang programa ay ipinatutupad upang mapagaan ang buhay ng ilang mga residente sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal na magagamit bilang puhunan sa negosyo.
“Wala pong maliit kung pagsusumikapan nating palaguin ang negosyong naiisip natin. May mga kilala ako nag-umpisa sa 500 o 1,000 pero kalaunan, napagtapos ang mga anak, nagsimula sa maliit na puhunan. Dalangin ko na ang puhunang galing sa inyong pamahalaang-lungsod, na nagsisikap maging masinop sa pondo, ay magamit ninyo nang tama,” pahayag ni Lacuna sa mga tumanggap.
Ayon kay Fugoso, matatanggap ng beneficiaries ang buong halaga at hindi na kailangan pang makipag-usap sa “commissioner” at nagbabala rin siya sa ilang indibidwal na nangungumisyon sa nasabing puhunan at dapat niyang i-report ito sa kanyang tanggapan.
Ang CAP ay isang social service na nagbibigay ng cash grant sa mga lehitimong mahihirap na indibidwal o pamilya para makapagsimula ng negosyo. Ang grant ay maaari ding dagdag puhunan sa umiiral ng negosyo ng mga target beneficiaries. VERLIN RUIZ