NORTHERN LUZON-DINAYO ni Task Force Balik-Loob chairperson at ang concurrent Undersecretary for Civil, Veterans and Retirees Affairs ng Department of National Defense USec. Reynaldo B Mapagu ang sa Northern Luzon Command kamakailan upang suriin ang pagpapatupad ng Enhanced Comprehensive Local Integration PROGRAM (E-CLIP) at mga proyekto ng Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS) sa hilaga at gitnang Luzon.
Dito inihayag ni Lt. Gen. Ernesto Torres Jr, Commander, Northern Luzon Command na halos mahigit sa P23 milyon na agarang at tulong pangkabuhayan ang naibigay sa mga dating teroristang komunista na sumuko sa tropa ng gobyerno mula Enero, 2018 hanggang sa kasalukuyan.
Sa kanyang report kay Usec Mapagu sa ginanap na pagpupulong na dinaluhan din ng mga tauhan ng iba’t ibang NoLCom Joint Task Forces and Joint Task Groups, Police Regional Offices, DepEd at TESDA, nasa 1, 156 Regular Communist New People’s Army Terrorists at Milisyang Bayan ang kanilang naitalang sumuko mula Enero 2018.
Bukod pa sa nasabing immediate at livelihood assistance ang firearms remunerations assistance at iba pang benepisyong kasama sa E-CLIP ng gobyerno.
“More so, the completion of 10 halfway houses in the areas of Bantay, Ilocos Sur; Laoag City, Ilocos Norte; Burgos, Pangasinan; Ilagan City, Isabela; Lallo, Cagayan; Cabaruguis, Quirino; Lagangilang, Abra; Kiangan, Ifugao; Bontoc, Mt Province; Tabuk City, Kalinga indicates the government’s sincerity in addressing the people who have been deceived by the communist terrorist,” ani Torres.
Nabatid pa na may halfway house din ang itinatayo sa Luna, Apayao at nasa 85% na ang natapos na magbigay ng pansamantalang tirahan sa mga dating rebelde at kanilang mga pamilya habang pinoproseso ang kanilang pagpapatala sa ECLIP at kasabay nito ay nagsisilbing mga lugar para sa pagsasanay sa kabuhayan at psycho-socio debriefing ng mga dating rebelde bago ang kanilang muling pagsasama sa pangunahing lipunan.
Bukod pa rito, iniulat ni Torres na may kabuuang 195 proyekto ng TIKAS ang naisakatuparan para sa NoLCom mula 2019 hanggang sa kasalukuyan kung saan 89 ang natapos na at pinapatakbo na, 66 ang patuloy na konstruksyon at 40 ang hindi pa nasisimulan.
Layunin ng TIKAS convergence program sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na pagandahin ang tanawin ng mga pasilidad ng militar sa bansa sa pamamagitan ng pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga base militar, barracks, kalsada, at iba pang mga pasilidad na sumusuporta sa AFP Modernization Program.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si USec Mapagu sa mainit na pagtanggap sa kanya ng NoLCom. Ipinaabot din niya ang kanyang paggalang sa mahusay na pagganap at mga nagawa ng command sa ilalim ng gabay at pamumuno ni Lt. Gen. Torres.
Hinimok ni USec Mapagu ang mga tropa na ipagpatuloy ang kanilang misyon sa pagpapalaki ng kamalayan upang hikayatin ang mga natitirang miyembro ng CTG na sumuko at bumalik sa pangkat ng gobyerno. VERLIN RUIZ