(Sa ilalim ng new normal) RESKILLING, UPSKILLING KAILANGAN NG MGA EMPLEYADO

Sen Sonny Angara-4

KAILANGANG matuto ng mga bagong kaalaman o kaya’y magdagdag ng  mga bagong kaalaman at kasanay ang mga mang­gagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandem­yang dulot ng COVID-19 na  maaari magamit sa pagba­balik-trabaho o pag-aapply sa panibagong trabaho sa ilalim ng tinatawag na new normal.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Sonny Angara kaugnay sa mga ulat nang biglaang pagtaas ng bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho sa bansa sanhi ng COVID-19 pandemic.

Aniya, napakahalagang mag-reskill at mag-upskill ng mga manggagawa upang makapag-adjust sa anumang trabaho na maaari nilang mapasukan sa mga panahong ito.

“Nakalulungkot na umabot na sa 17.7 porsi­yento nitong Abril pa lamang ang datos ng ating unemployment. Ang ibig sabihin, mahigit 7 milyong empleyado ang na-displace dahil sa pandemya. Ito ay dulot ng pagsasara ng napakaraming establisimyento o kaya naman ay pagbabawas ng mga kumpanya sa kanilang mga empleyado,” ani Angara.

Aniya pa, mas paborable ngayon sa nakararaming establisimyento ang reskilling dahil liban sa mabilis ang takbo ng trabaho, epektibo ito at mas magaan para sa mga empleyadong magbabalik-trabaho.

Isa pa, anang senador, hindi naman mahirap para sa mga kumpanya ang pagre-reskill sa kani-kanilang em­pleyado at tiyak na mas makatitipid pa sila sa pamamagitan nito.

Kaugnay sa pag-a-upskill sa mga empleyado, anang senador, wala pa man ang COVID, isa  na sa kanyang mga isinusulong ang digital transformation sa bansa bilang paghahanda sa napakabilis na pagbabago sa iba’t ibang aspeto.

Mababatid na isinulong ng senador sa Senado ang dalawang panukalang batas, ang SBN 1469 o ang National Digital Careers Act at ang SBN 1470 o ang National Digital Transformation Act. VICKY CERVALES

Comments are closed.