SA halip na P43 kada kilo, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na magiging P42 na lamang ang pinakamababang presyo ng bigas sa ilalim ng Rice-for-All program ng ahensiya simula Nobyembre 14.
Ayon kay Tiu Laurel, ito ay upang maramdaman ng mga consumer ang benepisyo sa naging hakbang ng pamahalaan na tariff cut kung saan ibinaba ang taripa ng mga imported na bigas sa P15% mula 35% upang bumaba ang presyo ng kada kilo ng bigas ng mula P5 hanggang P6.
“This price reduction for the Rice-for-All program reflects the combined impact of the reduction in tariff and in global rice prices. The reduction would have been bigger if not for the impact of the peso depreciation to P58 to a US dollar from P48 at the start of the year,” sabi ni Tiu Laurel.
Posible pa aniyang mapababa ang presyo ng bigas kada kilo sa Rice-for-All program nito depende sa global prices at peso-dollar exchange rate.
Ayon kay Tiu Laurel, hindi ito katulad ng P29 na presyo ng kada kilo ng bigas na mananatili para lamang sa vulnerable sectors ng lipunan tulad ng senior citizens, 4Ps o indigents, persons with disabilities (PWDs), at solo parents.
Ang vulnerable sectors ay maaaring makabili ng bigas sa presyong P29 lamang kada kilo hanggang sa 10 kilo kada buwan, samantalang ang Rice-For-All Program ay bukas para sa publiko at walang limit ang bibilhing bigas.
Ang pagsisikap ng pamahalaan na mapababa ang presyo ng bigas ay bahagi ng hakbang nito na solusyunan ang pagmahal ng mga bilihin lalo na ang bigas na isa sa nagiging pangunahingg dahilan ng pagtaas ng inflation.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), sa P100 na average na ginagastos ng mga consumer, P10 dito ay kadalasang nakalaan para sa bigas na staple food ng mga Pilipino. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia