MAKATATANGGAP ng P86.1 milyon pondo ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa mula sa Department of Transportation (DOTr) para sa implementasyon ng aktibong transport bike system at safe pathways program.
Sa nilagdaang kasunduan ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon at ng mga opisyales ng DOTr ay inaprubahan ng mga konsehal ang Resolution No. 2023-208 na nagbibigay ng awtorisasyon sa alkalde sa paglipat ng pondo para sa naturang programa.
Sa pinag-isang administrative order ng DOTr, Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nakasaad sa “Guidelines on the Proper Use and Promotion of Active Transport During and After the Covid-19” kung saan ang local government units (LGUs) ay hinihikayat na magtayo ng istruktura para sa aktive transport at walking paths.
Pinatitiyak din sa guidelines ang pagkakaroon ng right of way para sa paglalagay ng bicycle lanes at walking paths sa mga nasasakupan ng bawat LGU gayundin ang pagpapanatili ng bicycle lanes at walking paths sa nasasakupan ng bawat lokalidad.
Mayroong pondong nakalaan sa programang Active Transport Bike Share System and Safe Pathways sa ilalim ng General Act of 2022 Program sa Metro Manila para sa konstruksyon ng bike lanes, pag-angkat ng bike racks, improved end-of-trip cycling infrastructures, konstruksyon ng ligtas at madaraanang pedestrian walkways, gayundin ang upgrading ng dati nang ginagamit na pop-up bike lanes para maging permanent bike lanes.
Ang pondong P86.1 milyon na matatanggap ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa DOTr ay gagamitin para sa pagpapalawak ng Active Transport Infrastructure at paglalagay ng end-of-trip cycling facilities gayundin ng public transport stops.
Layon ng programa na makapagtayo ng “proper public transport stops and ensure that all road and bridge projects to be designed and implemented, in so far as practicable, shall allocate at least 50% of the road space for public transport, pedestrians and bicycles/light mobility vehicle.” MARIVIC FERNANDEZ