ISA sa makasaysayang lugar sa bansa ang Cavite. Dito naganap ang deklarasyon ng ating kalayaan. Sa Imus naman nangyari ang dalawang labanan noong panahon ng rebolusyon laban sa Espanya—ang Labanan sa Alapan (1898) at sa Imus (1896). Ang kauna-unahang bandila ng Pilipinas ay unang iwinagayway sa Alapan, kaya ang Imus ngayon ay tinatawag na “Flag Capital of the Philippines”.
Mainam na bisitahin ang makasaysayang lugar ng Imus ngayong darating na Linggo, kasabay ng pagdiriwang ng Mother’s Day. Bukod sa pagsisimba sa lumang simbahan, ang Imus Cathedral, maaaring mamasyal sa plaza ang mag-anak at makiisa sa isang natatanging pagdiriwang ng Araw ng mga Ina sa Zanaya Plaza, Salinas Road, Palico I.
Pinamagatang “Mother’s Day Fair & Exhibit”, ang event na ito ay isang handog para sa mga nanay at isang pagkakataon din upang makapagsama-sama ang mga manlilikha at artista ng bayan ng Imus. Magkakaroon ng Art
Workshop si Roy Abihay, On-the-Spot Poetry Card Making si Steve Manzano, Ikebana at Freestyle Flower Arrangement si Cris Garcimo, workshop tungkol sa pag-uumpisa ng isang craft business ang Pabakal PH, at demo ng bikepacking at hammock setup sina Dandin Magsalang at Patz Yan Go. Bukod pa riyan, may zumba session sa hapon, qigong session sa umaga, acoustic performances, busking, at open mic/spoken word sessions.
Maaaring mag-shopping ng panregalo para sa inyong minamahal na ina, magsalu-salo sa mga cafe, food stall, at restaurant sa lugar, at puntahan ang iba’t ibang booths ng mga merchants na magdi-display ng kani-kanilang mga produkto sa araw na ito. Maliit na pagtitipon man, ipinakikita lamang na buhay na buhay ang sining at kultura, ang pagkakaisa at pagsasama-sama ng iba’t ibang miyembro ng komunidad sa mga bayang kagaya ng Imus. Imbitado ang lahat, taga-Cavite man o hindi. Masayang magkaisa upang magbigay-pugay sa ating mga ina!