NGAYON pa lamang ay pinaigting na ng Philippine National Police ang seguridad sa Kalakhang Maynila at maging sa Mindanao kasunod ng kumpirmasyon hinggil sa magaganap na magkahiwalay na inagurasyon ni President- elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President- elect Sara Duterte-Carpio .
Inihayag ni PNP Officer in Charge Police Lt. Gen. Vicente Danao na mas mahigpit ang ipatutupad nilang security measure sa gaganaping inauguration ni President BBM at VP Sara bunsod ng mga posibleng security threat o kilos protesta na ikakasa naman ng mga kabilang panig.
“Mas magiging mahigpit po yung lahat ng ating security ngayon. As a matter of fact po since day 1 nagkaroon po ng original na panggugulo coming from other groups ‘no, eh immediately we made a communication to all units, to all commanders on the ground…kaya ang ginawa po natin ngayon ay mas pinaigting po natin yung security measures na ginagawa po ng ating kapulisan sa area,” pahayag ni Danao.
Nabatid na unang gaganapin ang inagurasyon para kay VP Sarah sa Hunyo 19 sa Davao City kung saan siya naglingkod bilang Mayor.
Habang sa makasaysayang National Museum of the Philippines inaasahang gaganapin ang panunumpa sa tungkulin ni PBBM bilang ika-17 pangulo ng bansa sa darating na Hunyo 30.
Una nang inihayag ng kampo ni BBM na nais nitong sa isang makasaysayang lugar ganapin ang kanyang panunumpa.
Ang National Museum ay dating kilala bilang Old Legislative Building kung saan nanumpa sa tungkulin ng mga dating pangulo noon gaya nina Manuel L. Quezon (1935), Jose P. Laurel (1943), at Manuel Roxas (1946).
Ayon kay dating Manila representative at ngayo’y Presidential Management Staff (PMS) Secretary-designate Zenaida “Naida” Angping, ang mga miyembro ng inaugural committee ay nagsagawa na ng ocular inspection at kanilang nakita na ito ang pinakamagandang venue para sa inagurasyon ni Marcos.
“The National Museum of Philippines building and its surrounding areas match our requirements for President-elect Marcos’ inauguration. Preparations are already in full swing to ensure that it will be ready by then,” ani Angping.
Samantala, inihahanda na rin ngayon ang lugar partikular ang kahabaan ng San Pedro Street sa Davao City na malapit sa city hall kung saan manunumpa ang anak ni outgoing president Rodrigo Roa Duterte bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas.
Kaugnay nito, nanawagan si Danao sa mga dadalo sa Duterte-Carpio’s inauguration na makipagkooperasyon sa ipatutupad na security measures na ilalagay sa entry points. VERLIN RUIZ