(Sa inagurasyon ni PBBM) PHILIPPINE ARENA GAGAWING VIEWING AREA

KINOKONSIDERA ng Philippine National Police (PNP) ang Philippine Arena sa Bulacan bilang lugar na pagtitipunan ng mga supporter ni President-Elect Ferdinand Bong Bong Marcos para mapanood nila sa malaking TV screen ang inagurasyon ng bagong pangulo sa Hunyo 30.

Ayon kay PNP Director for Operations Police Maj. General Valeriano de Leon, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa kampo ni Marcos para sa paggamit ng Philippine Arena at ilan pang lugar na makaka-accomodate ng malaking bilang ng mga tao.

Ito ay dahil sa ina­asahang pagdagsa sa Metro Manila ng mga gustong makibahagi sa makasaysayang okasyon.

Sinabi ni De Leon, limitado lang sa 1,200 ang kakasya sa National Museum na kung saan isasagawa ang inaguras­yon.

Kaya plano ng PNP na mag-set ng malala­king LED TV sa mga iba’t ibang lugar sa Metro Manila upang hindi magsiksikan ang mga supporter sa palibot ng National Museum bilang bahagi narin ng ipatutupad na seguridad.

Ayon kay de Leon ang Philippine Arena ay makaka-accommodate ng 70,000 katao sa loob at 100,000 sa labas habang ang Philippine Sports Center sa Pasig City ay makaka-accommodate naman ng 40,000 katao. REA SARMIENTO