NAGPASYA Philippine National Police (PNP) nang pagsuspinde ng mga Permit to Carry Firearms outside Residence (PTCFOR) kasunod ng gagawing pagpapatupad ng gun ban sa siyudad ng Davao at maging sa National Capital Region (NCR) kaugnay sa gaganaping magkahiwalay na inagurasyon ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at VP-elect Sara Duterte- Carpio.
Habang magtatalaga ang PNP ng dagdag na puwersa na ikakalat sa gaganaping oathtaking sa Davao City at Maynila.
Nabatid kay PNP Officer in Charge Lt. Gen Vicente Danao, ang pagpapairal ng gun ban at pansamantalang pagkasuspindi ng PNP sa PTCFOR sa Davao City ay para sa inagurasyon ni VP Sara sa Hunyo 19 at sa National Capital Region (NCR) para sa inagurasyon ni PBBM sa Hunyo 30.
Ayon kay PNP Directorate for Operations (DO) chief Major General Val de Leon, ang suspensyon ng PTCFOR sa Davao ay epektibo mula Hunyo 16 hanggang Hunyo 21.
Habang sa NCR naman ay epektibo mula Hunyo 27 hanggang Hulyo 2.
Paliwanag ni De Leon, bahagi ito ng security preparations para sa dalawang makasaysayang kaganapan.
Kaugnay nito bukod sa pagkumpiska ng mga baril at pag-revoke sa PTCFOR ng mga lehitimong gun-owners na mahuhuling lalabag sa suspensyon ay sasampahan din ang mga ito ng kaukulang kriminal na kaso.
Kasabay sa patuloy ang paglalatag ng seguridad ng PNP para sa nalalapit na inagurasyon ng mga susunod na lider ng bansa ay mas pinaigting ng pulisya ang kanilang intelligence network at pag-validate sa anumang posibleng banta na kanilang matitiktikan.
Tinatayang nasa 3,700 police personnel ang idedeploy para sa inagurasyon ni VP Sara habang karagdagang 6,000 namang ang ipapakalat para sa Marcos’ oath-taking.
“The security plans are ready. I just made some suggestions on the aspect of reliable communication lines and some specifics based on my experience in handling big events,”ani De Leon.
Nagbabala rin si De Leon na hindi nila papayagan ang anumang “unruly and unauthorized rallies” at mahigpit din na ipatutupad ng LGUs ang “no permit, no rally policy” kung saan papayagan lamang isagawa sa designated freedom parks . VERLIN RUIZ