(Sa increase ng PhilHealth contribution) OFWs NAGPASAKLOLO SA ACT-CIS

Rep Eric Go Yap

INIHAYAG kahapon ni ACT-CIS partylist Cong. Eric Go Yap na maghahain siya ng resolution para alamin kung makatarungan ang pagtaas ng kontribusyon ng overseas Filipino workers (OFWs)sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Yap, dinagsa siya ng apela ng tulong mula sa mga kababayang OFWs dahil sa anunsyo ng PhilHealth na mag-tataas ng kontribusyon na aabot sa 3.0 percent sa kanilang monthly salary.

Sa ilalim ng PhilHealth Circular 2020-2014 na may petsang April 2, 2020, inaatasan ng ahensya ang mga OFW na may monthly income na P10,000 hanggang P60,000 na magbayad ng P3.0 percent mula sa dating 2.75 percent lamang noong 2019.

“Ang gusto naming malaman ay kung bakit tinaasan? Bakit ang mga kababayan nating OFW na nagsasakripisyo sa abroad,” pahayag ni Yap.

Dahil sa pagtaas ng paniningil ng PhilHealth, umalma ang mga OFW partikular sa social media lalo na raw ngayong panahon na mayroong kinakaharap na krisis ang buong mundo dahil sa COVID-19 pandemic.

Dagdag pa ng mambabatas, marami ring OFW ang apektado ang trabaho ngayon sa ibang bansa dahil sa pagkalat ng naturang virus.

“Huwag naman sanang mahirapan ang ating mga kababayang OFW lalo na ngayon na mayroong pandemic. Bukod sa kanilang sakripisyo sa kanilang mga pamilya, napakalaki na ng ambag nila sa ating bansa, kaya huwag na natin silang dagdagan pa ng pahirap,” giit ni Yap.

Inaasahan ni Yap na susuportahan siya ng kanyang mga kapwa mambabatas sa ihahaing resolusyon para imbestigahan ang isyu. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.