(Sa infra na pamana ni Duterte) KOMPORTABLENG BUHAY, PAGLAGO NG EKONOMIYA

MAGBIBIGAY  ng mas komportableng pamumuhay at paglago ng ekonomiya ang mga isinusulong na infrastructure project ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang pahayag ni Senador Bong Go matapos ang unveiling ng Metro Rail Transit (MRT) 7.

Sinabi ni Go na naisasakatuparan na ni Pangulong Duterte ang ‘’Build, build, build” project.

“Sa ating ‘Build Build Build’ program, unti-unti na nating maisasakatuparan ang pangako ng Pangulo na bigyan ng mas komportableng buhay ang mga Pilipino. ‘Di na mahihirapan pa ang mga kababayan natin, lalong magiging mas maayos na ang kanilang biyahe,” pahayag ni Go.

“Dahil sa mga proyektong ito ng administrasyong Duterte, mararamdaman talaga ng mga kababayan natin ang tunay na pagbabagong ipinangako ng Pangulo dahil sa ginhawa na dala ng mga bagong impraestrukturang ito,” dagdag ni Go.

Nasa 24 kilometro ang MRT 7 na magdudugtong sa North Avenue sa Quezon City hanggang sa San Jose del Monte, Bulacan na kapag nagbukas ay aabot na lamang sa 35 minuto ang biyahe mula Quezon City patungo ng Bulacan.

Inaasahang magbubukas ang MRT 7 sa fourth quarter ng taong 2022.