NAGPAPATULOY ang internal cleansing sa hindi karapat-dapat na maging miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay kasunod ng ulat ng PNP-Internal Service Affair (IAS) na mahigit 6,000 pulis ang nahaharap sa kasong administratibo habang 10 percent o 600 nito ay inirekomendang sibakin sa puwesto.
Ayon kay PNP-Internal Affairs Service Inspector General Atty. Brigido Dulay, umabot na sa 6,256 na mga miyembro ng PNP ang nabigyan ng rekomendasyon sa iba’t ibang parusa.
Ang nasabing bilang ay mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2024.
Mula sa naturang bilang 2, 551 ang nabigyan ng sintensya, 260 ang inirekomendang i-demote at 1, 418 ang inirekomendang suspendihin.
Ang natitirang bilang naman ay binigyan ng mas magaang parusa.
Sinabi ni Dulay na ang mga pulis na sasampahan ng kaso ay nakitaan ng simple misconduct , simple dishonesty, simple irregularity, simple neglect of duty, less grave neglect of duty, less grave misconduct, conduct unbecoming of police officer, gross incompetence at iba pang grave offenses na grave misconduct, grave dishonesty, grave irregularity at grave neglect of duty.
Magugunitang sinabi ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na rerepasuhin nito ang mga papasok na pulis sa susunod na panahon upang matiyak na qualified sa organisasyon.
Ginawa ni Marbil ang pahayag kaugnay na sa mga nasangkot na pulis sa krimen at iregularidad na kamakailan ay iniharap pa sa media. EUNICE CELARIO