ZAMBOANGA – INIULAT ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagpositibo sa paggamit ng illegal na droga ang 20 sa 756 public utility vehicle (PUV) drivers sa isinagawang surprise drug test o “Oplan Harabas” sa lalawigang ito.
Ayon kay Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9 (Zamboanga Peninsula), ang operasyon ay kasabay ng pagpapaigting nila ng seguridad.
Ani Tosoc, ang mga drayber na nagpositibo ay ire-refer sa mga barangay, anti-drug abuse councils, at local social welfare offices para sa rehabilitation programs.
“These drivers, after confirmation, will be referred to their respective barangays or municipal anti-drug abuse councils and to the local social welfare and development officer for appropriate interventions,” ani Tosoc.
Sa 20 drayber, 12 ay mula sa Zamboanga City, pito sa Zamboanga del Sur at isa sa Zamboanga Sibugay.
Ang “Oplan Harabas” ay isinagawa sa ilang regional transport hubs, kabilang ang Agora Terminal sa Pagadian City, Zamboanga del Sur; Integrated Bus Terminal sa Dipolog City, Zamboanga del Norte; Van Terminal sa Ipil, Zamboanga Sibugay; at Integrated Bus Terminal sa Divisoria, Zamboanga City.
Ang inisyatibo na pinangunahan ng PDEA-9 ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Philippine National Police at local government units.
EVELYN GARCIA