IIMBESTIGAHAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung may pananagutan ang mga kinauukulang lokal na pamahalaan sa viral resort na itinayo sa protektadong lugar ng Chocolate Hills sa Bohol.
“Kapag may kapabayaan sa tungkulin o anumang iregularidad sa bahagi ng mga opisyal na inatasang protektahan at pangasiwaan ang lugar, hindi kami magdadalawang-isip na ituloy ang nararapat na legal na aksyon,” ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos sa isang pahayag nitong Huwebes.
“Sa ilalim ng ating Local Government Code, mayroon silang mandato na pahusayin ang karapatan ng mga tao sa balanseng ekolohiya. Kung ang iligal na konstruksyon ay pinahihintulutan sa loob ng isang protektadong lugar, ito ay lubhang kulang sa responsibilidad na ito, ” aniya.
Nakiisa si Abalos sa publiko sa mga alalahanin sa pagtatayo ng pool resort sa loob ng Chocolate Hills.
Ang Chocolate Hills ay isang UNESCO World Heritage Site at isang protektadong lugar sa ilalim ng Proclamation No. 1037 Series of 1997 at ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992.
“Anumang aktibidad na nakakagambala o sumisira sa mga protektadong lugar tulad ng Chocolate Hills, nang walang tamang awtorisasyon, ay ipinagbabawal ng batas,” giit ng DILG chief.
Una nang nilinaw ng DENR na naglabas na ito ng temporary closure order noong Setyembre 2023 gayundin ng violation notice noong Enero 2024 laban sa Captain’s Peak Resort.
Ayon sa ahensya, walang environmental clearance certificate (ECC) ang operasyon ng resort.
Sinabi naman ng lokal na pamahalaan ng Sagbayan, Bohol na hindi pa sila nakakatanggap ng kopya ng temporary closure order mula sa DENR.
Sinabi ng executive secretary ng Office of the Mayor na si Felito Pon na nakarating sa lokal na pamahalaan ang ilang aplikasyon kaugnay ng resort noong 2018 at sila ay isinangguni sa Protected Area Management Board (PAMB).
Sa panig naman ng municipal government, sinabi ni Pon na babawiin ang business permit ng resort kapag may nagawang paglabag.
EVELYN GARCIA