INIHAYAG ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. na maraming bansa ang nagpahayag ng suporta at kahandaan na tulungan ang Pilipinas bunsod ng nararanasan na banta at panghaharas sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Brawner ito ay resulta ng pakikipagpulong sa foreign counterparts sa sidelines ng 2024 International Institute for Strategic Studies (IISS) sa Shangri-La Dialogue sa Singapore kung saan nagbigay ng talumpati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
”A lot of countries who are here joining the Shangri-La Dialogue would like to have a bilateral meeting with us. We are happy about that because it only means to say that a lot of countries [are] interested in helping us with the situation. Not just interested to know what we think of the situation but really, they are offering us assistance, support,” ani Brawner.
Inamin ni Brawner na nasorpresa siya dahil maging ang European countries ay nagpahayag ng interes na pumunta sa rehiyon at tulungan ang Pilipinas.
Sinabi pa ng heneral, ang mga bansa na handang tumulong ay nag-alok ng joint military exercises, training, joint operations at capacity development ng bansa.
Sa keynote address ng Pangulo nitong Biyernes ng gabi sa Shangri-la Dialogue, nanawagan si Marcos sa US at China na pangasiwaan ang tunggalian para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Indo-Pacific region.
Binigyang diin ng Pangulo sa talumpati na mahalaga sa parte ng Pilipinas na igiit ang kinabukasan ng rehiyon na hindi minamando ng isa o dalawang makapangyarihang bansa, ”but by all of us.’
EUNICE CELARIO