(Sa kabataang nabakunahan) WALANG ‘ADVERSE EFFECT’

WALA namang naging masamang epekto ang bakunang naiturok sa mahigit 500 kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang na may comorbidities sa Muntinlupa.

Ayon sa Ospital ng Muntinlupa (OsMun) na isa sa mga napiling pilot hospital ng Department of Health (DOH) na magbakuna sa klasipikasyon ng Pediatric A3 group mula Oktubre 25 hanggang 29 ay napabakunahan ng lokal na pamahalan ang 559 kabataan na may comorbidities.

Sinabi rin ng OsMun na noong Nobyembre 1 ay wala namang kaso ng Adverse Event Following Immunization (AEFI) ang naitala sa mga kabataang tumanggap ng bakuna.

Nasa 16,399 kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang ang nagparehistro noong Nobyembre 1 para sa Muntinlupa City COVID-19 Vaccination Program (MunCoVac) o o katumbas ng 29.6 porsiyento ng kabuuang populasyon para sa nabanggit na age group sa lungsod na 55,391.

Sa kabuuang bilang ng nagparehistrong kabataan ay 1,363 sa mga ito o 8.31 porsiyento ay may mag comorbidities.

Hinimok naman ng pamahalaang lungsod ang mga magulang o guardians na iparehistro ang kanilang mga anak para ang mga ito’y mabakunahan bilang proteksyon sa anumang magiging epekto ng coronavirus disease (COVID-19).

Maaaring magparehistro sa online ang mga residente sa vaccine.muntinlupacity.gov.ph/muncovac para makakuha ng iskedyul sa pagpapabakuna.

Matapos makakuha ng kani-kanilang iskedyul ay ang kabataang babakunahan pati na rin ang kanilang ma magulang ay magtutungo sa OsMun vaccination site para sa pagtuturok ng bakuna.

Matatandaan na pinayagan ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagbabakuna sa mga kabataan na nasa edad 12-17 na napapabilang sa Pediatric A3 priority group na gamit ang Pfizer-BioNTech vaccine at ang Moderna vaccine.

Sa ilalim ng Department of Health (DOH) guidelines, ang mga magulang pati ang mga menor de edad ay kailangang pumirma sa consent at assent forms bago ang pagsasagawa ng baksinasyon.

Kailangan ding magpakita ng medical certificate ang mga kabataan na kasama ang kanilang mga magulang na kailangan din na magpakita ng valid ID o proof of filiation tulad ng birth certificate.
MARIVIC FERNANDEZ