WALANG inaasahang pagtaas sa presyo ng baboy sa kabila ng muling pagkabuhay ng mga kaso ng African swine fever (ASF) sa Batangas, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ang pahayag ay ginawa ng DA makaraang iulat ng Batangas Provincial Veterinary Office ang mga kaso ng ASF sa Lobo, Lian, Rosario, Calatagan, at Lipa City.
Sa isang panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang retail prices ay hindi dapat tumaas dahil ang suplay ng baboy ay pangunahing nagmumula sa Central Luzon.
“Hindi naman (tataas) kasi iyong Central Luzon naman is okay naman,” aniya.
Hanggang August 2, ang presyo ng baboy sa Metro Manila ay naglalaro sa P285 kada kilo hanggang P380 kada kilo para sa pork ham (kasim); at P320/kg. hanggang P400/kg. para sa pork liempo.
Ayon kay De Mesa, sa Calabarzon, ang resurgence sa Batangas ay maaaring magkaroon lamang ng napakaliit na epekto sa suplay sa harap ng mas mataas na pork production sa Rizal.
Gayunman, sinabi ni De Mesa na ang tag-ulan ay nag-ambag sa mga ulat ng ASF cases, kasama ang tuloy-tuloy na paggalaw ng mga traveler.
“Ang water is primary vector ng (of) virus. So kapag may mga baha, mas mabilis kumalat ang virus, lalo na iyong (Water is the primary vector of virus. So, when there’s flood, virus spreads faster, especially the) ASF. It was proven so many times,” aniya.
Bukod sa mas mahigpit na biosecurity measures sa lalawigan, binigyang-diin ni De Mesa ang pangangailangan para sa bakuna upang mapuksa ang ASF.
Nauna rito ay kinumpirma ng DA ang plano nitong paglarga sa government-controlled vaccinations gamit ang AVAC live vaccines mula Vietnam sa third quarter ng taon kasunod ng pag-iisyu ng Food and Drug Administration (FDA) ng certificate of product registration (CPR).
Target ng DA na mamahagi ng 600,000 doses ng AVAC live vaccines sa mga grower sa buong bansa, kung saan prayoridad nito ang red at pink zones.
Hanggang July 26, iniulat ng Bureau of Animal Industry (BAI) na 150 barangays sa 45 bayan ang nasa ilalim ng red zones o yaong may aktibong ASF cases.
Kabilang dito ang 10 apektadong barangays sa Lobo, 2 sa Lian, at 1 sa Lipa City sa Batangas.
Sa kasalukuyan, may 476 siyudad at munisipalidad sa bansa ang na-upgrade sa pink zones o buffer areas na katabi ng infected zones. ULAT MULA SA PNA