(Sa kabila ng banta ng ASF, holiday season — DA) WALANG PRICE HIKE SA BABOY

WALANG nakikitang pagtaas sa presyo ng baboy ang Department of Agriculture (DA) sa Christmas holidays sa kabila ng epekto ng African Swine Fever (ASF) at ng inaasahang seasonal increase sa demand.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mas gusto ngayon ng mga hog producer na dagdagan ang volume ng baboy na kanilang ibinebenta upang mabawasan ang panganib ng ASF contamination.

“Well, what is happening sa ASF, actually ang mga magbababoy, habang wala pa iyong vaccine gusto nilang magbenta at magkatay. So, we expect na hindi tataas ang presyo ng baboy, although demand masyado sa Pasko, dahil tuloy-tuloy pa ang pag-grow at gusto nilang katayin na kaagad iyong baboy, para ma-lessen iyong risk nila,” sabi ni Tiu Laurel.

“But of course, demand in December is usually double, mataas. So, baka tumaas ng konti, pero hindi naman siguro significant.”

Ang prediksiyon ng kalihim ay kabaligtaran ng naunang pahayag mula sa hog raisers groups, na nagbabala ng posibleng pagtaas sa presyo ng baboy sa holiday season kapag patuloy na naging mabagal ang vaccination program laban sa ASF.