(Sa kabila ng big-time oil price rollback) PRESYO NG BIGAS, GULAY TATAAS PA RIN

MAGTATAAS pa rin ng presyo ng gulay at bigas ang mga magsasaka sa kabila ng malakihang bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo, ayon sa isang agricultural group.

Paliwanag ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ngayon pa lang ipapasok ng mga magsasaka at maggugulay sa kanilang production cost ang umaabot sa P60 hanggang P70 na petrolyo.

“‘Yung chicken tumaas na, itong gulay, expected na [tumaas]. ‘Yung puhunan na kino-compute ng magsasaka ngayon is based on 52-57 pa lang ang fuel price ‘yung diesel. Hindi pa umaabot sa P62 na umaakyat sa P72,” wika ni SINAG Chairman Rosendo So.

Aniya, inaasahan nang ipapatong ng mga magsasaka ang taas-presyo sa petrolyo sa kanilang mga produkto para hindi sila malugi.

“So, ang mangyayari in the end, kawawa ang consumers natin.”

Bukod dito ay nagmahal din, aniya,  ang inaangkat na abono.

Sinabi ng SINAG na hindi sapat ang fuel subsidy na ipinagkakaloob ng gobyerno para sa mga magsasaka at mangingisda.

Ang P500 milyong pondo para sa mahigit 10 milyong magsasaka sa bansa ay kulang na kulang umano.

Matapos ang 11 sunod-sunod na linggong price hike ay nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng big-time oil price rollback nitong Martes, Marso 22.

Ito ang unang fuel price rollback ngayong taon.  Ang presyo ng gasolina ay tinapyasan ng P5.45 kada litro, diesel ng P11.45 kada litro at kerosene, P8.55 kada litro.