(Sa kabila ng bumababang water level sa Angat Dam) SUPLAY NG TUBIG SAPAT PA RIN

TINIYAK ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na sapat pa rin ang suplay ng tubig para sa pangangailangan ng mga consumer sa kabila ng bumababamg  water level sa Angat Dam dahil sa El Niño.

“Sa ngayon, naibibigay pa naman ng ating Angat Dam ‘yung pangangailangan natin para hindi magkaroon ng tinatawag nating pila-balde sa kalye na naranasan natin noong 2019,” pahayag ni MWSS spokesperson at water and sewerage management department manager Engr. Patrick James Dizon sa panayam sa Super Radyo dzBB.

“Sa ngayon ay sufficient pa naman ‘yung ating tubig na nanggagaling sa Angat (Dam),” dagdag pa niya.

Ayon kay Dizon, ang  Angat Dam sa Bulacan ang nagsusuplay ng 90% ng pangangailangan sa tubig ng Metro Manila, Rizal, at bahagi ng Cavite at Bulacan.

Aniya, araw-araw na binabantayan ng MWSS ang water level sa Angat Dam.

Sa datos ng PAGASA, hanggang alas-8 ng umaga nitong Linggo, ang water level sa Angat Dam reservoir ay nasa 188.81 meters, mas mababa sa  189.17 meters na naitala sa alas-6 ng umaga noong Sabado.

Ayon kay Dizon, ang minimum operating level ng Angat Dam ay 180 meters habang ang critical level ay 160 meters.

“Sa ating nagiging projection ay hindi naman aabot dito sa critical level na 160 meters,” sabi pa niya.

Inaasahan na, aniya, ang pagbaba sa water supply sa Angat Dam dahil sa hindi pag-ulan.

“Sa ganitong buwan ay talagang pababa ang ating reservoir (Angat Dam) kasi walang pag-uulan sa ating mga watershed,” sabi pa ni Dizon.

“Same din ‘yan sa mga nakaraang taon, El Niño man ‘yan, La Niña man ‘yan, o ‘yung mga normal situation ay talagang pababa ‘yung reservoir natin sa ganitong buwan. Pero pagdating naman ng June, July hanggang August ay paakyat na rin ‘yan kasi mararanasan natin ‘yung pag-ulan sa ating mga watershed. That’s the time na magre-refill.”

Ang MWSS, sa tulong ng concessionaires nito na Maynilad at Manila Water, ay nagpatupad ng augmentation measures bilang paghahanda sa El Niño.

Kabilang dito ang pagkakaroon ng karagdagang water plant sa Rizal at pag-rehabilitate sa mahigit 100 deep wells, na maaaring gamitin kung kakailanganin.