(Sa kabila ng El Niño) SUPLAY NG TUBIG SA SUMMER SAPAT

TINIYAK kahapon ng  Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magiging sapat ang suplay ng tubig sa bansa sa darating na  summer sa kabila ng epekto ng El Niño phenomenon.

Ayon kay MWSS Division Manager Engineer Patrick Dizon, ang Angat Dam, na pinagkukunan ng water supply sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ng Cavite, Rizal, at Bulacan, ay inihanda na para sa El Niño.

“Sa ngayon ay nasa 213.49 meters ‘yung elevation niya. Mas mataas ito sa ating tinatarget na normal water elevation na 212 meters. This summer ay ina-assure natin ang ating kababayan na magiging sufficient ang tubig natin,” aniya.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang El Niño ay maaaring magtagal hanggang first quarter ng 2024 o mas matagal pa.

Ayon kay Dizon, bahagi ng  augmentation measures ng MWSS para makahanap ng karagdagang mapagkukunan ng tubig ay ang konstruksiyon ng dalawang water treatment plants malapit sa Laguna Lake.

Isa sa mga planta ay pinasinayaan noong December 2023. Ang isa pang planta ay bubuksan sa first quarter ng 2024.