(Sa kabila ng interest rate hikes) BANK LENDING TULOY SA PAGLAGO

virtual banking

PATULOY sa paglago ang bank lending sa bansa sa kabila ng interest rate hikes na ipinatupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon sa central bank, ang outstanding loans ng universal and commercial banks, net of reverse repurchase placements sa BSP ay lumago ng 9.7 percent noong Abril.

Gayunman, ang lending activity noong Abril ay mas mabagal sa 10.2 percent revised total noong Marso.

“The sustained expansion in bank lending activity suggests that domestic liquidity remains sufficient to support economic activity,” sabi ng BSP.

“Looking ahead, the BSP will continue to ensure that domestic liquidity and credit dynamics are consistent with the prevailing stance of monetary policy, in keeping with its price and financial stability mandates,” dagdag pa nito.

Nauna nang sinabi ng ilang bangko na nakapagtala sila ng mas mataas na lending activities para sa housing at car loans, gayundin sa paggamit ng credit card habang patuloy na bumabangon ang ekonomiya mula sa epekto ng COVID-19 ­pandemic.

Makaraang panatilihin ang benchmark rate sa record low na 2 percent sa loob ng tatlong taon, sinimulan ng BSP ang pagtataas sa rates noong Mayo ng nakaraang taon sa gitna ng pagbilis ng inflation.

Itinigil ng BSP ang serye ng rate hikes sa 6.25 percent nitong Mayo sa gitna ng mga senyales ng paghupa ng inflation.