(Sa kabila ng La Niña) YEAREND RICE SUPPLY MATATAG

INAASAHAN ng Department of Agriculture (DA) ang matatag na suplay ng bigas sa pagtatapos ng taon sa kabila ng epekto ng La Niña at iba pang weather disturbances.

Sa national rice supply outlook ng DA, ang bansa ay magkakaroon ng 3.83 million metric tons (MT) ng rice inventory.

Sa isang statement, sinabi ni DA Undersecretary for the National Rice Industry Development Program Christopher Morales na sapat ito para sa 100-day consumption.

“This projection incorporates updated rice stock data, actual import arrivals, and historical trends, ensuring the country’s rice needs are met despite the production drop,” aniya.

Ang matatag na suplay ay inaasahan sa kabila ng 358,000 MT tinatayang production loss sa huling quarter ng taon dahil sa weather disturbances at sa epekto ng La Niña.

Gayunman, sinabi ni Morales na patuloy na dadagdagan ng imported rice ang local palay production, na titiyak sa matatag na national rice inventory.

Mula January hanggang October 14 ngayong taon, ang DA ay nakapagtala ng 3.57 million tons ng rice imports, na mas mataaa ng 24 percent kumpara sa 2.84 MT na inangkat sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Samantala, ang total annual palay production ay inaasahang bahagyang bababa sa 19.41 million MT, mula sa naunang target na 20.4 million MT, na katumbas ng 12.69 million tons ng milled rice.