INAASAHANG lalago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 6 per- cent sa 2023 sa kabila ng mataas na inflation, ayon sa Asian Development Bank(ADB).
Ito ang kaparehong lebel na itinaya ng ADB para sa 2023 growth rate ng bansa sa December 2022 ADO supplement.
Ang inaasahang growth rate ngayong taon ay mas mababa sa 7.6% gross domestic product (GDP) na naitala noong 2022.
Sa kabila nito, ang growth outlook ng Manila-based multilateral lender ay pasok sa binabaang growth forecast ng mga economic manager na 6 percent hanggang 7 percent para ngayong taon.
Sa Asian Development Outlook report na inilabas ng ADB, ang recovery sa retail trade, expansion sa manufacturing sector at public infrastructure spending ang posibleng makapag-ambag sa paglago.
Gayunman, sinabi sa report na ang napipintong pagbagal sa major economies, umigting na political tensions at sticky inflation ay nananatiling banta sa gross domestic product (GDP) growth.
Ayon pa sa Manila-based multilateral lender, ang GDP ng bansa ay inaasahang lalago pa sa 6.2 percent sa 2024.
“The Philippines will grow at its potential this year and next and is on track toward its goal to become an upper middle-income country,” wika ni ADB Philippines Country Director Kelly Bird.
Nauna nang sinabi ng mga economic manager na ang Pilipinas ay maaaring maging isang upper-middle-income country sa 2024. Maaari sana itong natamo nang mas maaga kung hindi pumutok ang COVID-19 pandemic, ayon sa gobyerno.
Ayon sa ADB, ang inflation ay tinatayang mananatiling mataas sa 6.2 percent sa 2023 bago humupa sa 4 percent average sa 2024. Alinsunod ito sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 6 percent average ngayong taon at below 2-4 percent target sa 2024.