(Sa kabila ng oil price hikes) WALA PANG TAAS-PASAHE SA MRT-3

mrt3

WALA pang pinag-uusapan hinggil sa pagtaas ng pamasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) sa kabila ng serye ng oil price hikes, ayon kay director for operations Engr. Mike Capati.

Sa panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Capati na ang pinagtutuunan ngayon ng pansin ng MRT ay ang pagtulong sa mga commuter at ang makaiwas na bigyan sila ng dagdag na pasanin.

“Wala po tayong pinag-uusapan na pagtaas ng pamasahe. Never pa po ‘yang pinag-usapan namin. Ang importante tulungan muna natin ‘yung mga pasahero natin. Huwag na tayong maging pabigat pa. So far, wala kaming pinag-uusapang ganyan,” aniya.

Ang mga kompanya ng langis ay nagpatupad kahapon, Marso 15, ng P13.15 taas-presyo sa kada litro ng diesel, P7.10 sa kada litro ng gasolina at  P10.50  sa kada litro ng kerosene.

Ito na ang ika-11 sunod na linggo na tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Sinabi ng Department of Energy (DOE) na tataas pa ang presyo ng langis sa mga susunod na linggo sa gitna ng Russia-Ukraine crisis.

Ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas na ng kabuuang P17.50, gasolina ng P13.25, at kerosene ng  P11.40.

Dahil sa walang humpay na oil price increase ay humiling na ang ilang grupo ng public utility vehicle drivers at operators ng dagdag-singil sa pamasahe.