(Sa kabila ng Omicron — BSP 2022 GROWTH) TARGET MATATAMO

Benjamin Diokno

KUMPIYANSA ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na matatamo pa rin ng bansa ang growth target nito na 7 hanggang 9 percent ngayong taon sa kabila ng COVID-19 surge na pinaniniwalaang sanhi ng Omicron variant.

Kahapon, Enero 16, ay nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 37,154 bagong kaso ng COVID-19.

“The new Omicron variant appears to be mild and less lethal and the outbreak occurred early in the year,” wika ni BSP Governor Benjamin Diokno sa isang  event na inorganisa ng Management Association of the Philippines.

Tiniyak din ni Diokno sa top business executives na nananatiling matatag ang banking system at may kakayahang mapagtagumpayan ang mga hamon na dulot ng pandemya.

Aniya, ang bansa ay may sapat na cash buffers para sa external shocks, manageable bad debt levels, bumabagal na inflation at sumisiglang  bank lending.

Sa datos ng central bank, ang total gross international reserves (GIR) level, halimbawa, ay tumaas sa $108.8 billion hanggang noong katapusan ng Disyembre, na katumbas ng 10.3 buwang halaga ng import of goods at services at 8.8 beses ng short term external debt ng bansa.