(Sa kabila ng pagtutol ng Senado) PUVMP SUPORTADO PA RIN NI PBBM

SA KABILA ng pagtutol ng mga senador ay patuloy na sinusuportahan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“The program will continue. The President supports it, and it will proceed until the final stages of modernization are completed,” sabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III.

Ginawa ni Guadiz ang pahayag na ito sa isang programa para sa mga nagpoprotestang drivers at operators na nakasunod na sa PUVMP sa Mendiola sa Maynila.

“The public can rest assured, with the support of the Department of Transportation, that the President is behind them. There will be no suspension. The program will continue,” pagbibigay-diin ni Guadiz.

Magugunitang 22 sa 23 senador ang lumagda sa Senate Resolution 1096, na humihiling sa pamahalaan na pansamantalang suspindehin ang pagpapatupad ng PUVMP, na tinatawag ngayong Public Transport Modernization Program (PTMP).

Tinukoy sa resolution ang mga alalahanin ng unconsolidated PUV units, ang phaseout ng iconic jeepney para palitan ng modern jeepneys, at ang mababang porsiyento ng inaprubahang ruta.

Tanging si opposition Senator Risa Hontiveros ang hindi pumirma sa resolution.