(Sa kabila ng rate hike suspension) PHILHEALTH TULOY SA PAGPAPATUPAD NG BAGONG ‘BENEFIT PACKAGES’

NAKAHANDA na ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa pagpapatupad ng naunang itinakda nitong mga bagong benefit package sa kabila nang pagpapaliban ng premium rate hike nila ngayon taon.

Ginawa ni PhilHealth acting president and chief executive officer Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang pahayag bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng National Health Insurance Month.

Pagbibigay-diin ni Ledesma, tinitiyak ng kanilang ahensiya sa publiko na tuloy ang implementasyon ng mga bagong benepisyong magiging kapaki-pakinabang sa mga miyembro ng state health insurer.

“The implementation of the new benefits for PhilHealth members is still on track, albeit with a few adjustments.

Kasama po sa mga bagong benepisyong ito ang outpatient mental health package at severe acute malnutrition package at outpatient therapeutic care para sa severe-acute malnutrition,” pagmamalaking sabi pa ni Ledesma.

“This is part of PhilHealth’s commitment to continuously expand the benefits we offer and make them more responsive to the changing medical care needs of the Filipino people,” dagdag pa niya, kasabay na rin sa pagtukoy sa tema ng selebrasyon ngayon ng National Health Insurance Month, na “Pinalawak at mga Bagong Benepisyo para sa Mamamayang Filipino.”

Ang National Health Insurance Month ay ginugunita sa buong bansa tuwing buwan ng Pebrero, base na rin sa nilalaman ng Presidential Proclamation No. 1400 s. 2007, na nagsusulong sa kahalagahan ng social health insurance sa buhay ng bawat mamamayang Pilipino.

Samantala, bukod sa mental health at malnutrition packages, sinabi ni Ledesma na ang PhilHealth Konsulta Package – isang programa kung saan ang isang miyembro ay itatalaga sa partikular na accredited medical provider na siyang mamamhala sa lahat ng health care needs nito sa pamamagitan ng konsultasyon – ay tuloy din ang pagpapatupad.

“Ang PhilHealth Konsulta Package ay isang primary care benefit na maaaring magamit para sa basic services kagaya ng check-up, health screening and assessment, laboratory, x-ray, at gamot ayon sa health risks, edad at pangangailangan ng pasyente,” paliwanag pa ni Ledesma.

“Para magamit ito, kailangan lamang magparehistro ang PhilHealth member sa isang accredited Konsulta Provider. Ang pagrehistro ay maaaring gawin online gamit ang PhilHealth Member Portal o magpa-assist sa employer kung kayo ay may trabaho,” sabi pa niya.

Nauna rito, binigyan-diin ng PhilHealth chief ang patuloy na pagpapatupad sa kanilang pangako na magkapagkaloob ng tulong pangkalusugan at pinansyal sa mga Pilipino kasabay sa pagtalima rin nila sa naging desisyon ni President Ferdinand Marcos Jr. na isantabi muna ang kanilang premium rates hike at income ceiling.