SA KABILA ng ilang mag-kakasunod na linggong pag-tataas sa presyo ng mga produktong petrolyo, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na ang threshold para sa pagkakaloob sa mga magsasaka at mangingisda ng fuel subsidy ay hindi pa naaabot.
Ayon kay DA Secretary William Dar, ang presyo ng gasolina ay kailangan munang pumalo sa $80 per barrel bago magkaloob ang ahensiya ng fuel subsidies.
“Itong pamimigay ng fuel subsidy ay mayroong trigger mechanism bago ibigay… na dapat ma-reach ‘yung gasoline price ng $80 per barrel, wala pa tayo diyan. Malayo pa tayo diyan,” sabi ni Dar.
Ani Dar, para sa taong ito, P500-million budget ang inilaan ng DA para sa fuel subsidies.
May iba pa aniyang agricultural interventions na ipagkakaloob ang ahensiya sa mga magsasaka at mangingisda.
Noong nakaraang Martes ay muling nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng big-time hike sa presyo ng petrolyo.
Sa susunod na linggo ay inaasahan ang panibagong oil price increase para sa ika-8 sunod na linggong taas-presyo.