ILALARGA ng Department of Agriculture (DA) ang dalawang mas mura at mas malusog na varieties ng bigas para sa mga Pilipino — ang ‘Sulit Rice’ at ‘Nutri Rice’ — bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap nito na maibaba ang presyo ng bigas sa mga lokal na pamilihan.
Ayon kay DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel De Mesa, ang Sulit Rice, na inilarawan niya bilang 100 percent broken white rice, ay ibebenta sa halagang P35 hanggang P36 kada kilo, habang ang Nutri Rice, na, aniya, ay sa pagitan ng well-milled at brown rice, ay mabibili mula P37 hanggang P38 kada kilo.
“Nagsimula na ito sa NCR at ngayong taon ay ipapakalat na natin sa ibang bahagi ng bansa. Itong Sulit Rice, nagkakahalaga ito ng P35 to P36 kada kilo at ito ‘yung tinatawag nating 100 percent broken na bigas maganda ang quality, ang kaibahan lang nito ay broken itong bigas na ito.
Sinubukan na namin itong iluto sa opisina, at maganda naman ang quality ng bigas na ito,” aniya.
“Ang Nutri rice naman ito ay in between well-milled and brown rice marami pang nutrients na natira nito, ito rin ang tinatawag naming one-pass rice, marami pa itong fiber at vitamins and minerals, at ititinda naman ito sa P37 to P38 per kilo,” sabi pa niya.
“Inaasahan natin ngayong January magsisimula na ang pagbebenta ng Nutri Rice at Sulit Rice sa mga Kadiwa ng Pangulo Centers, mga piling pamilihan at sa mga istasyon ng tren.”
Tiniyak naman ni De Mesa na may sapat na suplay ng Sulit Rice at Nutri Rice para sa bansa, na magmumula kapwa sa local at imported supplies.
Sinabi pa niya na plano ng pamahalaan na dagdagan pa ang bilang ng Kadiwa ng Pangulo centers sa buong bansa at gawing 700 pagsapit ng Marso
“Inaasahan natin bago matapos ang 2028 ay nasa 1,500 ang total number ng Kadiwa ng Pangulo sites sa buong Pilipinas.”