WALUMPUNG maritime accidents ang naganap habang binabayo ng Typhoon Odette ang bansa noong isang linggo.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, ang mga ito ay mula sa Northern Mindanao region habang hindi pa kasama ang sa Palawan province.
“Yung 80, ‘yun ‘yung initial. Ang alam ko nadagdagan pa yan sapagkat hindi pa na-factor in diyan ‘yung mga barko doon sa Northern Mindanao, maging dito sa Palawan,”ani Balilo.
Gayunpaman, inamin ni Balilo na kanila pang kinukumpirma ang mga ulat na may nasawi at nawawala dahil sa insidente.
Aniya, ang ilang evacuees ay hindi pa rin nakakauwi sa kani-kanilang isla dahil nananatiling sarado at hindi madaanan.
Sinabi pa nito,nakiusap sa kanila ang National Disaster Risk Reduction and Management Council na pigilan ang bus trips sa Manila patungong Visayas dahil ilang pantalan pa ang nananatiling non-operational.
Pinayuhan din ni Balilo ang publiko na makipag-coordinate sa PCG, Philippine Ports Authority at shipping companies para maiwasan ang madisgrasya.
Sa ngayon, sampung watercraft ang ginagamit ng PCG para sa transport ng relief items. EUNICE CELARIO