SAN JUAN CITY – MAHIGIT isang linggo makaraang ipatupad ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang Executive Order – FMZ -004 noong Hulyo 25 na paglilinis sa mga kalsada sa nasasakupan at paglalagay ng “No Parking Sign” kahapon ay may nasita sa paglabag ng nasabing kautusan.
Naganap ang insidente habang pinangungunahan nina Zamora at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim, kasama si MMDA Spokesperson Asec. Celine Pialago ang pagpapairal ng bagong Executive Order No. 7 na nagsususpinde ng pay parking sa mga piling kalsada ng lungsod gaya sa Club Filipino Drive, Annapolis, Missouri at Connecticut sa Greenhills.
Makaraan ang clearing operations sa nabanggit na mga kalsada ay dumiretso ang alkalde kasama ang MMDA chief at mga traffic constable sa Xavier School at Immaculate Concepcion Academy kung saan ay epektibo na rin kahapon na hindi papayagan ang parking.
Samantala, sa kasagsagan ng clearing operations ay nakahuli ng illegal parking si MMDA Traffic Constable 3 Roderick Bragais na nag-park sa tapat ng isang gusali sa Annapolis.
Dito ay kinausap nina Lim at Zamora ang nasita na nagpakilalang isang negosyante.
Una nang iginiit ng negosyante na nagbabayad siya ng parking at makaraan ang pagpapaliwanag ni Zamora, mga tauhan nito at ng MMDA ay naging maayos at mapayapa ang usapan.
Winarningan na lamang ng alkalde ang nahuli at inayos ang pagkaparada ng sasakyan nito na isang sports utility vehicle.
Samantala, muling nanawagan si Zamora sa mga magtutungo sa San Juan at sa kanyang mga kababayan na sundin ang kautusan lalo na ang mga executive order na kanyang iniisyu na may kaugnayan sa pag-talima sa bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na paluwagin ang kalsada at paalwanin ang trapiko upang maiwasan ang abala at paghuli gaya ng nangyari sa nasitang negosyante. EUNICE C.
Comments are closed.