(Sa kaso ng bentahan ng bata online) DSWD NAKIPAGPULONG SA META PH

NAKIPAGPULONG na si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga kinatawan ng META Philippines, mother company ng Facebook para resolbahin ang dumaraming kaso ng bentahan ng bata online.

Tugon ito sa liham na ipinadala ng Kalihim sa META Philippines dahil sa dami ng facebook accounts na ginagamit sa online selling ng mga bata.

Sa ulat ng NACC, 16 na mula sa 23 reported Facebook pages ang na-take down na ngunit may mga umuusbong pa ring bagong accounts.

Ayon sa kalihim, seryoso silang masawata ito dahil sa paglabag sa Anti-OSAEC (Online Sexual Abuse or Exploitation of Children) law.

Nagkasundo naman sila ng META na magkaroon ng aktibong ugnayan upang direktang makapag-ulat sa kanila o sa pamamagitan ng mga reporting channels upang makabuo ng mas matibay na mekanismo at gayundin sa pagbuo ng isang kampanya laban sa human trafficking.

Kaugnay nito, inatasan na rin ni Gatchalian si NACC Usec. Janella Estrada na agad bumuo ng team na tututok sa online baby selling.
P ANTOLIN