(Sa kaso ng pagpatay at pagdukot) SPECIAL INVESTIGATION TEAM ITINATAG NG LAGUNA PNP

LAGUNA- LULUTASIN ng itinatag na Special investigation Team (SIT) ng Laguna PNP na tututok sa malaliman imbestigasyon sa mga dahilan at kung sino ang nasa likod ng mga pagpatay at pagkawala ng mga biktima sa ika- apat na distrito ng lalawigang ito.

Sa pahayag ni Col. Randy Glenn Silvio, Laguna police director, ang naturang investigation team ay naglalayong malutas ang mga karumal-dumal na pamamaril at pagdukot sa mga biktima na hindi nalutas sa loob ng 20 taon.

Ayon kay Silvio, may 10 ng pamilya ng mga biktima ng pagpatay at lima naman sa missing person ang nagbigay na nang kani-kanilang salaysay sa binuong task force kung saan pinangalanan din ng mga ito ang ilang matataas na pulitiko at private arm group sa 4th district ng Laguna na direktang may kinalaman sa krimen.

Base sa record ng Laguna police, hindi bababa sa 25 kaso ng pagpatay at 20 missing person ang naitala ng pulisya mula taon 2000 na hindi nalutas at hinahanapan ng hustisya ng kani-kanilang pamilya.

Ang itinatag na Special Investigation Team ng Laguna PNP ay binubuo ng Laguna Intelligence Unit, Regional Special Operation Unit, Regional Forensic Team, Special Investigation Division, CIDG at Police Anti Drug Unit at Regional PNP Intelligence Division. ARMAN CAMBE