IMINUNGKAHI kahapon ng pamunuan ng Philippine National Police na mag-voluntary surrender na lamang ang negosyanteng si Cedric Lee at isang pang at large na co accused nito sa kasong inihain ng actor tv host na si Vhong Navarro.
Ito ay matapos na katigan ng Taguig Regional Trial Court ang kasong serious illegal detention na isinampa ni Navarro laban kina Lee at modelong si Deniece Cornejo.
Kasamang hinatulan ng guilty verdict sa kaso sina Cornejo, Ferdinand Guerrero at Simeon Palma Raz sa promulgation na inilabas ng korte nitong Huwebes.
Hindi dumalo si Lee na napag-alaman na may warrant of arrest na noon pang 2015.
Upang hindi na maging pakay ng manhunt operation ay iminungkahi ng Philippine National Police kay Cedric Lee at isa pang co-accused nito na sumuko na lamang sa mga awtoridad. matapos silang hatulang guilty ng Taguig RTC .
“I am sure nakarating sa kaalaman ni Lee and Guerrero nag-issue ng warrant of arrest ang korte so it will be in their best interest na mag-voluntary surrender na lang sila doon sa pinakamalapit na istasyon sa kanila or they could get through their lawyers so they could arrange yung possible pag-voluntary surrender nila,” ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo sa panayam ng media.
“Nonetheless yung ating mga akusado, they have the right to exercise and exhaust all legal remedies available to them to file an MR (motion for reconsideration) or appeal this came in the proper forum,” ani Col Fajardo.
Sinasabing base sa record ng Bureau of Immigration, mayroon hold departure order kay Lee mula 2014 at warrant of arrest mula 2015 at nasa Immigration Lookout Bulletin din ito.
Samantala, nai-turn over na sina Cornejo at Raz sa Taguig police para sa documentation ng kaso.
Magugunitang inakusahan ni Navarro si Lee sa pagpigil sa kanya noong gabi ng January 22, 2014 sa isang condominium unit sa Taguig City, kung saan sinasabing binugbog siya ni Lee, at ng mga kasama nito at pinagbantaang papatayin. Kung saan pinilit siyang pinaamin na ginahasa umano nito si Cornejo at hiningan din umano ng isang million.
VERLIN RUIZ