(Sa kauna-unahang pagkakataon) CEAP PAMUMUNUAN NG ISANG LAHI NI EBA

Marissa Viri

INIULAT  ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na sa kauna-unahang pagkakataon ay isang babae ang mamumuno sa pinakamalaking organisasyon ng Catholic schools, colleges at universities sa bansa.

Nabatid na si Sr. Marissa Viri ay inihalal ng mga miyembro ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) upang maging susunod na pangulo nila.

Si Sr. Marissa na pangulo ng University of the Immaculate Conception sa Davao City, at miyembro ng Religious of the Virgin Mary (RVM), ay kasalukuyang bise presidente ng CEAP.

Papalitan niya sa puwesto si outgoing CEAP President Fr. Elmer Dizon, na mula sa Archdiocese of San Fernando, at naluklok sa puwesto noong Setyembre 2019.

Samantala, magiging incoming Vice President naman ng CEAP si Fr. Thadeu Enrique Balongag, habang si Fr. Gilbert Sales ang magiging bagong corporate secretary at si Fr. Albert Delvo ay  na-reelect  bilang Treasurer.

Nabatid na si Balongag ay trustee ng CEAP Negros Island, habang si Sales ang pangulo ng St. Louis University sa Baguio City, at si Delvo naman ang Superintendent ng Diocesan Schools of Novaliches.

Ayon sa CBCP, naganap ang eleksiyon ng mga bagong officer ng CEAP sa idinaraos nilang CEAP Congress online.

Inaasahang manunumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na opisyal ng samahan ngayong Biyernes, kasabay ng pagtatapos ng CEAP Congress.

Ang CEAP na unang itinatag noong 1941 ay may mahigit sa 1,525 member-schools. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.