(Sa Las Piñas) NO COVID-19 DEATHS SA KATATAPOS NA LINGGO

Imelda Aguilar

SA LOOB ng isang linggong nagdaan ay walang naitalang namatay sa sakit na coronavirus disease o COVID-19 sa lungsod ng Las Piñas.

Ito ay masayang ibinalita ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar sa kanyang mga konstituwente kung saan kanyang ipinaliwanag na nag dahilan ng pagbaba ng mortality rate ay bunsod sa pagsasagawa ng ‘expanded targeted testing’ ng City Health Office (CHO) na pinamunuan ni Dr. Ferdinand Eusebio.

Sinabi ni Aguilar na ang malimit na paglilibot ng beat patrol ng pulisya para paalalahanan ang mga residente para sa pagpapatupad at implementasyon ng pagsusuot ng facemask habang nasa labas ng kanilang mga bahay, pagpapatupad ng social distancing at ang mahigpit na pagpapatupad ng curfew hour mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga ay nakatulong din sa pagpigil ng pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.

Kasabay nito, sinabi ni Aguilar na noon pa lamang Abril ay sinimulan na ng lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng mass testing at contact tracing na isa rin sa nakatulong sa pagpigil ng pagkalat ng virus sa lungsod dahil sa maagang pagsasagawa sa mga ito.

Sinabi pa ng mayora na nagsasagawa rin ng testing sa mga symptomatic na indibidwal ang CHO na nakaroon ng travel history sa mga barangay na may COVID-19 outbreak.

Habang dahan-dahan na lamang ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 sa lungsod ay isinama na ng lokal na pamahalaan sa mass testing ang mga health workers, mga empleyado ng city hall, tricycle drivers, frontliners tulad ng law enforcers, teachers gayundin at mga empelyado sa korte. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.