(Sa last hour filing) VOTERS REGISTRATION TUTUTUKAN NG PNP

PINATUTUTUKAN ng Philipppine National Police (PNP) ang mga huling araw na pagpaparehistro ng mga botante dahil sa nalalapit na ang deadline nito na inaasahang dadagsain ng mga mahilig sa last hour filing .

Una nang pinaaalalahanan ni PNP Chief General Guillermo Eleazar ang kanyang mga tauhan na siguruhing nasusunod pa rin ang mga health protocol sa mga registration site ngayong isang linggo na lamang ang nalalabi para sa voters registration para sa 2022 national at local elections.

Ginawa ni Eleazar ang paalala matapos makarating sa kanya ang mga sumbong tungkol sa dagsa ng mga tao sa mga registration site na naghihintay ng matagal at may mahabang pila.

Binigyang diin pa ng Chief PNP na dapat tiyaking magiging maayos ang buong panahon ng halalan na dapat magsimula sa pagpaparehistro ng mga botante.

“Isang linggo na lang ang natitira at matatapos na ang voter’s registration para sa Halalan 2022 kaya inaasahan natin ang pagdagsa ng ating mga kababayan sa mga registration sites upang makahabol sa itinakdang deadline,”ani Eleazar.

“That is why I ordered all our chiefs of police and area commanders to anticipate this by deploying enough number of personnel in various Comelec registration sites to ensure the peaceful and orderly conduct of voter’s registration because of the continuous threat of COVID-19,”dagdag pa niya.

Nabatid na dumagsa ang mga nagnanais magparehistro nitong nakalipas na mga araw sa mga tanggapan ng Comelec at maging sa shopping malls na ginawang annex ng komisyon para sa pagpapa rehistro para samantalahin ang mga nalalabing huling araw bago matapos ang registration period.

Inatasan din nito ang lokal na pulisya gayundin ang mga yunit na makipag-ugnayan sa mga lokal na Pamahalaan para sa anumang tulong na kanilang maibibigay.

Magpapatuloy ang voter registration hanggang sa Setyembre 30.

“Mahalaga ng pagpaparehistro upang marinig ang inyong boses sa darating na halalaan subalit mahalaga rin na matiyak ang inyong kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga public health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus sa inyong mga lugar,” giit ni Eleazar.

Una rito ay may mga panawagan at panukalang batas na inihain sa Kongreso para palawigin ang voter registration hanggang sa susunod na buwan subalit wala pang pinal na pagpapasya ang Comelec. VERLIN RUIZ

One thought on “(Sa last hour filing) VOTERS REGISTRATION TUTUTUKAN NG PNP”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *