NAGLUNSAD nitong Linggo (Disyembre 19) ng serye ng relief operations ang tambalan nina Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at Inday Sara Duterte sa iba’t ibang lugar na nasalanta ng super typhoon Odette na kinabibilangan ng Leyte, Butuan, Bohol at Cebu.
Matatandaan na bago pa man humagupit ang bagyong Odette, nauna nang pinakilos ng BBM-Sara UniTeam ang kanilang mga volunteer para mag-preposition ng mga pagkain, gamit at iba pang kailangang ibigay na tulong bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyo.
Agad na nagtulong-tulong ang mga volunteer para mag-repack ng mga relief good sa mga warehouse ng BBM-Sara UniTeam sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan.
Agad ding tumugon ang mga donor at volunteer sa ikinasang mga relief operation at dumagsa ang mga bigas, canned goods, kape at iba pang pangunahing mga pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.
Nitong Linggo, personal na inihatid ni Marcos ang mga relief goods ng BBM-Sara UniTeam sa provincial capitol ng Maasin City sa Southern Leyte na tinanggap nina Southern Leyte Gov. Damian Mercado at House Majority Leader Martin Romualdez.
Sunod namang tinungo ng BBM-Sara UniTeam ang Butuan City na tinatayang 43 barangay o aabot sa mahigit 7, 000 pamilya ang naapektuhan ng bagyo.
Namahagi rin ng ayuda sa Bohol na hanggang ngayon ay problema din ang kakulangan ng supply ng koryente.
Sunod namang hinatiran ng tulong ang Cebu na hinagupit din ng typhoon Odette.
Hanggang sa kasalukuyan ay bagsak pa rin ang karamihan ng linya ng mga telepono sa naturang lugar.
Nauna na ring pinasalamatan ni Marcos ang mga donor at volunteer na agad tumugon sa kanyang panawagan kahit sa maiksing panahon lamang.
“Nakatutuwang isipin na kahit may pandemya buhay na buhay pa rin sa ating mga Pilipino ang bayanihan,” wika niya.
“Nagpapasalamat ako sa mga donor at volunteer dahil sa taos puso at maagap na pagtulong. Naging mabilis ang ating responde dahil sa inyo. Maraming salamat po,” dagdag pa niya.
Nitong Sabado ay nauna na ring nanawagan si Marcos sa mga kooperatiba mula Luzon at Mindanao na hindi masyadong naapektuhan, na magpadala ng mga linemen at mga kailangang gamit upang maibalik kaagad ang daloy ng koryente sa mga apektadong lugar na sinalanta ng bagyong Odette.