(Sa libo-libong public school studes) FREE FIELD TRIPS MULA KAY ABBY

abby binay

LIBO-LIBONG estud­yante mula sa mga pampublikong paaralan sa Makati ang makakasama na ngayon sa educational field trips nang libre makaraang isulong ni Mayor Abby Binay ang paglalaan ng P100 million sa city budget ngayong taon para masakop ang pagpapatupad ng off-campus activities.

Ayon sa alkalde, ipinagkaloob ng pamahalaang lungsod ang buong suporta sa proyekto, na bumagsak sa ilalim ng Talent Optimization Programs for Students (TOPS) ng Department of Education-Makati (DepEd-Makati), bilang bahagi ng patuloy na pagsisi-kap nito na luminang ng ‘globally competitive Makatizens’.

“To provide cutting edge and relevant education for the youth of Makati, at no cost to them or their parents and guardians,” wika ni Mayor Abby.

Anang alkalde, ang mga estudyante ay may magkakaibang learning curves, at ang outdoor activities tulad ng educational field trips ay nakatutulong upang mapasigla ang kanilang pagkauhaw sa pagkatuto sa kanilang murang edad.

“I believe that the early years of education is the ideal time for children to be allowed to explore and learn from the things they discover firsthand outside the classroom and school grounds. By creating a link between the concepts taught to them and how these apply in the real world, we will optimize their potential for learning,” sabi pa ni Mayor Abby.

“We only need to ensure their safety during the entire trip, and that the places they visit are safe and wholesome,” pagbibigay-diin pa niya.

Noong nakaraang Nob­yembre 26 ay sinamahan ng alkalde, kasama si Cong­ressman Luis Campos, ang may 3,175 estudyante mula sa iba’t ibang public elementary schools sa kanilang trip sa Kidzania Manila sa Bonifacio Global City. Ang Kidzania ay isang play city na itinayo para sa mga batang may edad apat hanggang 17, na kompleto sa paved streets, transport system at functioning economy.  Dinisenyo ito upang magkaloob ng makatotohanang role-play experience sa mga bata para malinang ang kanilang life skills at matuklasan ang kanilang mga potensiyal.

Ang mga eskuwelahang bumisita sa Kidzania sa naturang araw ay kinabibilangan ng F. Benitez Elementary School- Main, East Rembo Elementary School, Fort Bonifacio Elementary School, Bangkal Elementary School I, Bangkal Elementary School-Main, Cembo Elementary School, Comembo Elementary School, F. Benitez III Elementary School, Guadalupe Viejo Elementary School, Hen. Pio Del Pilar Elementary School- Main, Hen. Pio Del Pilar Elementary School I, Jose Magsaysay Elementary School, at La Paz Elementary School.

Sa mga nalalapit na linggo, ang mga estud­yante ay bibisita rin sa mga makasaysayang lugar gaya  ng Luneta Park, Intramuros, at Barasoain Church at Museum sa Bulacan. Ang iba pang mga kilalang lugar na nakalinya para sa educational tours ay ang Mind Museum at Manila Ocean Park.

Nauna rito ay nagbigay si Mayor Abby ng kanyang State of the Children Address sa harap ng may 2,400 estudyante at kabataan mula sa iba’t ibang barangays, kung saan iginiit niya ang kanyang pangako sa pangangalaga at pagtataguyod sa kanilang mga karapatan at kapakanan.

Sa kanyang report, binanggit niya ang mga bagong idinagdag sa free items na ipinagkakaloob ng lungsod sa public schoolchildren sa ilalim ng Project FREE (Free Relevant Excellent Education), kabilang ang brand new pair ng rubber shoes, raincoats at rain boots. Inanunsiyo rin niya na simula sa susunod na school year, ang lungsod ay mamamahagi ng libreng school socks, na umani ng masigabong palakpakan mula sa audience.

Tiniyak ng alkalde sa mga estudyante na patuloy na maghahanap ng paraan ang lungsod upang maibsan ang pasanin ng kanilang mga magulang sa pagpapaaral sa kanila.