(Sa loob lamang ng 2-buwan) P2.8-B BUSINESS TAXES, FEES NAKOLEKTA NG PARAÑAQUE

UMABOT sa P2.8 bilyon ang nakolekta ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Parañaque mula sa business taxes at fees sa loob lamang nitong buwan ng Enero at Pebrero.

Ito ang nakapaloob sa report ni BPLO chief Atty. Melanie Soriano-Malaya na ipinagmalaki ni Mayor Eric Olivarez sa kanyang State of the City Address (SOCAD) na ginanap sa Parañaque Sports Complex nitong Lunes.

Aniya, nakapagtala si Malaya ng koleksyong P2.8-bilyon mula sa business taxes at fees sa panahon ng renewal ng business permit sa mga buwan ng Enero at Pebrero kung saan nalampasan ang naitalang P2.33 bilyon noong nakaraang taon sa kapareho rin na mga buwan ng P470 milyon.

Base sa record ng BPLO, mayroong kabuuang 20,569 negosyo ang naiparehistro nitong Mayo 31 kung saan nagpapakita ito na mas marami pang may-ari ng negosyo ang nais magtayo ng business sa lungsod.

Kasabay nito ay pinuri din ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang Parañaque BPLO dahil ito ang kauna-unahang local government unit (LGU) na nagpatupad ng Electronic Business One-Stop Shop program (E-BOSS) sa pagsasagawa ng pinakamadaling pamamaraan ng transaksyon sa lokal na pamahalaan.

Sa BPLO din nagsimula ang streamlining at simpleng pagkuha ng business permit at proseso sa pagkuha ng lisensya nang simulan ang implementasyon ng E-BOSS. MARIVIC FERNANDEZ