CAVITE – UMAABOT sa 3, 848-katao ang inaresto makaraang lumabag sa ipinatutupad na Minimum Public Health Standards (MPHS) sa loob lamang ng 24-oras sa ibat ibang bayan at lungsod kamakalawa sa lalawigang ito.
Sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, mayroong 1, 365-katao na inaresto dahil sa walang suot na facemask habang naglalakad at 1, 954 naman sa mga hindi tamang pagsuot ng facemask.
Nasa 322 naman ang nalambat sa paglabag sa curfew hours (10pm- 4am), maging ang social distancing na bahagi ng health protocols ay nilabag din ng 207 katao.
Patuloy na ipinatutupad ng pulisya ang kautusan ng IATF MPHS sa panahon ng pandemya kung saan nasa Alert Level 3 pa rin ang Cavite upang maiwasan ang health crisis sa bansa.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng pulisya laban sa iba’t ibang krimen kabilang na ang 15 drug couriers na nasakote sa pagtutulak ng shabu habang 8 wanted person naman ang nalambat at 5 suspek na may ibat ibang kasong krimen ang naaresto ng pulisya sa loob lamang ng 24-oras. MHAR BASCO