QUEZON – WALA ng buhay ang isang construction worker nang matagpuang nakahandusay sa tabing kalsada at may mga tama ng bala sa katawan sa Eco-Tourism Cotta-Dalahican Bypass Road, Purok 7, Brgy. Dalahican, Lucena City.
Nakilala ng Lucena PNP ang biktima na si Rene Bucas Buhawi, 43-anyos at residente ng Brgy.9 ng nasabing lungsod.
Base sa report ng Lucena PNP na pinamumunuan ni Lt Col Dennis De Guzman, dakong alas-7 ng gabi nang matagpuan ang biktima na duguan at may mga tama ng bala sa parteng kaliwang itaas ng katawan at tiyan na naging sanhi ng kamatayan nito.
Sa ginawang pagsisiyasat, nakuha sa crime scene ang 5 basyo ng bala at isang slug na nagmula sa caliber 45.
Bigo namang makilala at mahuli ng pulisya ang may kagagawan ng krimen.
Base sa datos ng Lucena PNP, ito na ang ika-apat na serye ng pamamaslang sa naturang lunsod sa loob lamang ng mahigit isang buwan.
Matatandaang tatlong magkakasunod ng pamamaril ang naganap sa Brgy. Dalahican una ang may ari ng hardware na ninakawan at pinatay. Ikalawa, ang suspek sa pamamalo ng dos por dos sa isang babae at binaril ng mga pulis na nagresponde nagtamo ito ng tama ng bala sa ulo at hita at ang ika-tatlo, ang biktima na binaril sa may Brgy. Talim hindi rin nakilala at nahuli ang suspek.
Gayundin, isang ginang ang pinatay naman sa saksak sa diversion road sa lungsod ng Lucena at hindi pa rin nakikilala at nahuhuli ang suspek.
Samantala, nitong Huwebes, nakapagtala rin sa pulisya ng isang krimen sa Brgy. Dalahican kung saan ay sinaksak ang isang pedicab driver ng kanyang kainuman na kapwa pedicab driver dahil sa mainitang pagtatalo.
Nahuli ang suspek ng nagrespondeng pulis at nakakulong na habang ginagamot sa ospital ang biktima.
Nangyari at naganap ang mga naturang krimen sa ilalim ng pamumuno ni Lt Col. Dennis De Guzman, hepe ng pulisya na halos tatlong buwan pa lamang ito sa kanyang puwesto bilang Acting Chief of Police.
BONG RIVERA