(Sa loob ng 2 buwang operasyon) P18.3-M SHABU NASAMSAM NG PDEA

INIHAYAG ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) na umaabot sa P18.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam mula Enero 1 hanggang Pebrero 14 ng taong kasalukuyan sa Lungsod ng Cotobato.

Ayon kay Agent Jocelyn Mary, tagapagsalita ng PDEA-BARMM, nasa isang dosenang pusher ang nadakip sa pinaigting na drug buy-bust sa Cotabato City, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, at Sulu.

Ang pitong entrapment operations sa buong rehiyon ay nagresulta sa pagrekober ng mahigit 2.7 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P18,360,000 street value.

Sa Cotabato, nasa P7 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa magkakahiwalay na entrapment operation noong panahon.

Ilang baril na hindi lisensyado ang nasamsam sa mga operasyon laban sa droga.

Samantala, iniulat ng PDEA-13 (Caraga Region) ang pagkakaaresto sa dalawang hindi regular na empleyado ng Agusan del Sur provincial government at pagbuwag sa isang drug den nitong Biyernes ng madaling araw sa Barangay Patin-ay, bayan ng Prosperidad.

Sinabi ng PDEA-13 na ang lalaking suspek ay nakatalaga sa Provincial Engineering Office habang ang babaeng suspek ay nasa Provincial General Services Office.

Arestado rin ang umano’y may-ari ng drug den na nasa edad 41.

Nakuha mula sa mga suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng PHP80,000 at isang sachet na naglalaman ng .05 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000.
EVELYN GARCIA