(Sa loob ng isa’t kalahating taon) P92.8B INVESTMENT SA MAYNILA

KAHIT may pandemya, inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno na may P92.8 billion halaga ng investments ang naisagawa sa siyudad sa loob lamang ng isang taon at kalahati na siya ring haba ng kanyang panunungkulan bilang alkalde na nagsimula noong Hunyo 2019.

Dahil dito, nagpahayag ng pasasalamat si Moreno sa private sector, partikular sa mga developer sa pagpapakita ng bagong tiwala sa lokal na pamahalaan.

“May pandemya pa nyan ha…thank you to the private sector, the developers who are now building developments, thus producing income for the city and jobs for the people and later on, new taxes which we can use for our programs,” ayon kay Moreno.

Ani Moreno, ang lahat ng negosyo ay welcome sa Manila kasabay ng paniniguro na mayroon ng katiyakan at katatagan ang pamahalaang lungsod sa usapin ng mga polisiya.

Binanggit pa ng alkalde, mayroong kabuuang 538 na bagong negosyo na nagparehistro mula Enero 1 hanggang 20, 2021.

“Thank you.. alam ko mahirap magnegosyo ngayon pero nilalakasan nyo ang loob nyo,” diin ni Moreno.

Sinabi pa nito, na may 3,555 na ang naproseso sa online system of payment sa pamamagitan ng app na www.gomanila.com na maaring downloaded sa IOS at android.

Layon ng online payment system, anang Alkalde na hindi na mai-exposed ang sinuman at mababawasan ang posibilidad na magkaroon ng COVID-19, dahil hindi na kailangan pang pumila at maghintay ng matagal. VERLIN RUIZ

Comments are closed.