UMAABOT sa 137 kasapi ng communist New Peoples Army at lokal na teroristang grupo ang na-neyutralisa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos ang inilunsad na military operations sa iba’t ibang lugar sa bansa mula Enero 1 hanggang Marso 31 ngayong taon.
Ayon kay AFP public affairs office chief Col. Jorry Baclor na nasa 82 regular members ang na-neutralize ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kung saan 17 dito ang napaslang sa ikinasang combat operations, 20 ang naaresto at 45 ang kusang sumuko sa puwersa ng gobyerno.
Nasa 210 na iba’t ibang mga kalibre ng baril ang nasamsam ng militar sa engkwentro mula sa hanay ng CPP-NPA habang may 109 na mga armas naman ang na-recover mula sa mga sumukong kasapi ng komunistang grupo.
Nasa 51 naman ang nadiskubreng kampo ng mga NPA habang mayroong 87 anti-personnel mines (APMs) ang nakumpiska.
Ipinagmalaki pa ng AFP na mula sa 22 natitirang guerilla fronts ng communist terrorist groups (CTG), tatlo na lamang ang aktibo, 19 ang kinokonsiderang weakened o malapit ng mabuwag.
Sa teroristang grupo naman na Abu Sayyaf, nasa 30 miyembro nito ng namatay, 28 ang sumuko na at 2 naman ang nadakip ng mga aworidad.
VERLIN RUIZ