(Sa LRT-2) LIBRENG SAKAY SA PCG PERSONNEL

LUMAGDA sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Light Rail Transit Authority (LRT) na nagkakaloob ng libreng sakay sa lahat ng Commissioned officers, enlisted personnel at civilian employees ng PCG sa LRT-2.

Ayon kay PCG Spokesman Commodore Armand Balilio,ang libreng sakay ay bahagi ng MOA na pinirmahan ng mga opisyal at executives ng PCG at LRTA .

Nabatid na sa ilalim ng nasabing MOA, susuportahan ng PCG ang security measures ng LRT-2 stations sa pamamagitan ng pag-alalay ng Coast Guard sa mga emergency drills para sa mga train employees,security personnel at commuters.

Bukod dito, ayon sa coast guard magtatalaga rin ng mga K9 dogs at handlers para maalalayan ang security guards sa pagpapatrolya at pagsasagawa ng security measures sa LRT-2 stations kapag mayroong emergencies o crises.

Para naman daw mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa LRT-2, magde-deploy din ang PCG ng medical service personnel para magsagawa ng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) tests sa LRTA workers.

Posible rin umanong i-avail ng PCG ang in-train passenger information system para mabig­yan ng impormasyon ang mga commuter sa kanilang mga plano, programa at mga proyekto ng organisasyon.

Sagot naman ng LRTA bukod sa pagbibigay ng serbisyong libreng sakay sa mga kagawad ng PCG ay manunumpa naman ang mga opisyal ng LRT bilang miyembro ng PCG Auxiliary (PCGA) Executive Squadron at committed ang mga itong suportahan ang PCG sa humanitarian at disaster response operations.

Ang nilagdaan MOA ay may effectivity ng tatlong taon maliban na lamang kung ito ay ma-revoke, ayon kay Commodore Armando Balilo. VERLIN RUIZ