PALAWAN-ISANG buntis at limang iba pa kabilang ang isang bata ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Navy sa gitna ng dagat ng saklolohan nila ang papalubog nang motorized banca sa Ulugan Bay, Brgy Bahile, Puerto Princesa City sa lalawigang ito .
Sa report na ipinarating kay Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci ng Naval Forces West (NFW), sinaklolohan ng mga tauhan ng BRP Andres Bonifacio (PS17) ang lumulubog ng motorized nitong Easter Sunday.
May sakay na anim na pasahero ang M/B Dexter na nagmula sa Macarascas at papunta sana ng Rita Island para dumalo sa isang a summer activity nang mamataan ng mga tripulante ng PS17 bandang alas-11 ng umaga habang nagsasagawa ng ship-to-shore activities,
Sinasabing papalubog na ang banca matapos na masiraan ng makina at simulang pasukin ng tubig sanhi ng masamang kondiosyon ng dagat.
Agad na nagpadala ng isang team ang PS17 na pinamumunuan ni Commander Paul Michael Hechanova para sagipin ang mga sakay ng lumulubog na banca.
Agad na isinailalim sa medical examination at pinakain ang mga nasagip na pasahero bago inihatid sa kanilang pupuntahan, habang hinatak naman ang kanilang banka sa dalampasigan.
Samantala, 13 turista naman ang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos na lumubog ang sinasakyang nitong motorbanca habang nasa island hopping sa Bonbon Beach sa Romblon.
Kabilang sa mga sinagip ng PCG personnel ang operator ng motorbanca.
Nabatid na ang bangka ay hinampas ng malalaking alon kaya lumubog ito.
Nasa maayos na kalagayan naman ang mga biktima nang masagip ng mga tauhan ng PCG. VERLIN RUIZ